Home / Business / Dagdag-interes, pinadaling refund sa deposit ng kuryente ikinakasa

Dagdag-interes, pinadaling refund sa deposit ng kuryente ikinakasa

Plano ng Energy Regulatory Commission (ERC) na taasan ang interes at gawing "mas madali" ang pag-refund sa bilyon-bilyong pisong sinisingil sa bill deposit sa kuryente ng lahat ng konsumer sa buong bansa.

Ang bill deposit ay obligadong bayaran ng mga customer ng Meralco at nagsisilbing "stock fund" kapag may panahong hindi nakakabayad ang mga ito ng kanilang kuryente.

Nasa P43.3 bilyon ang nakolektang bill deposit at P30.8 bilyon na ang nai-refund sa customers ng Meralco pero may P17.4 bilyon pang naiwan sa kaban ng kompanya.

Mula sa kasalukuyang 0.10 porsiyento kada taon, plano ng ERC na gawing 6 porsiyento kada taon ang pagpataw ng interes sa bill deposit ng kuryente.

Kung dati ay tatlong taon na on-time o hindi nahuhuli na pagbabayad ng bill dapat para makapag-refund ng bill deposit ang isang customer, plano na itong gawing isang taon na lang.

Inaasahang maipatupad ang mga pagbabago sa Enero 2019, ani ERC spokesperson Rexie Baldo-Digal.

"Pagkatapos nating ma-receive 'yung comments ng Nobyembre, baka po maaaring ma-promulgate ng Disyembre, and hopefully magkaroon ng bill deposit guidelines sa Enero," aniya.

Mayroon kasing ilang mga bagong lipat na residenteng sinisingil nang mahal na electric deposit kahit nakapangalan pa sa dating tenant ang bill na sinisingil sa kanila.

Pero para sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), dapat ayusin ang sistema at i-account ang perang nakolekta sa taumbayan lalo na kung paano ito pinanghahawakan o pinamumunuan ng Meralco.

"Nasaan 'yung pera? Paano ba pinapahalagahan 'yung bilyon-bilyong pisong bill deposit ng Meralco? Kasi nasa bangko ito ng Meralco gayong hindi naman nila pera iyan," ani BAYAN secretary-general Renato Reyes Jr.

Magugunitang isiniwalat noon ng ERC ang umano'y paggastos ng ilang electric cooperative sa bill deposit ng kanilang mga customer.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*