Home / Sports / ‘Di nakinig: Pinay dance athlete na pinigilang sumayaw noon, SEA Games gold medalist na

‘Di nakinig: Pinay dance athlete na pinigilang sumayaw noon, SEA Games gold medalist na

Stephanie Sabalo and Michael Marquez celebrate with the Philippine flag as receive their gold medals for SEA Games dancesport Pasa Doble category on December 01, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

CLARK, Pampanga — May napala ang 31 anyos na si Stephanie Sabalo sa hindi pagsunod sa kaniyang nanay noong kabataan niya. 

Makailang ulit pinagsabihan si Sabalo ng kaniyang magulang na tumigil na sa pagsasayaw, kahit pa nadiskubre na niya noon ang talento niya sa hiphop at cheerdancing. Sumali ang Pinay ballroom dancer sa cheerdance group ng St. Louis University sa Baguio City sa edad na 17. 

Ngunit isang aksidente ang tuluyang nagpahinto sa kaniya sa pagiging miyembro ng cheerdance group.
 
Kuwento ni Sabalo sa ABS-CBN News, nabagok ang kaniyang ulo habang nag-eensayo noong 2007 nang hindi masalo maigi ng mga kasamahan matapos ang basket toss. Nagkaroon ng head injury ang atleta na kinailangan pang tahiin. 

Dahil dito, lalong naging kumbinsido ang kaniyang ina na patigilin siya pagsasayaw. 

“It was my mother’s decision to stop. My mother said I should not dance ever again. Nag-isip lang ako dahil puwede namang hindi na lang ako mag-cheerdance pero ibang sayaw,” pagbabahagi ni Sabalo. 

Hindi bumalik sa cheerdance ang atleta ngunit pinasok nito ang mundo ng panibagong sayaw — ang dancesport. 

“Na-introduce sa akin ‘yung dancesport tapos after that sabi ko mas malapit ito sa pangarap ko, pupunta ako Maynila. So at 19 years old, lumuwas ako ng Maynila,” saad ni Sabalo. 

Ilang taon ang nakalipas, tinanghal na kampeon sa 2019 SEA Games si Sabalo nang angkinin ang ginto sa Latin Dance – Paso Doble at Latin Five Dance kasama ang partner na si Michael Marquez. Nakuha rin nila ang pilak sa Solo Jive. 

Ngunit ang daan patungong ginto ay hindi naging madali para sa manlalaro matapos muli siyang pigilan ng kaniyang nanay. Aniya, hindi gusto ng kaniyang ina ang kasuotan ng ballroom dancers tuwing sumasayaw lalo pa’t lumaki sa isang konserbatibong pamilya si Sabalo. 

“Lagi akong long sleeves, jogging pants. Tas bigla akong nag-ballroom, so laging maigsi. Nakikita ang legs, ang likod, ang braso, so akala ng mama ko is baka pumunta ako sa ibang landas,” paglalahad ng atleta.

Ilang beses man siyang pigilan, lalo lamang umano siyang naitutulak para gustuhin ang isport.

“Pag nire-restrict ako sumayaw, ang sama-sama ng loob ko. It is already part of my system. I’m still addicted to dancing, fanatic to dancing. I don’t know when will I stop. I think I will continue dancing until my last breath.”

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

2019 SEA Games

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*