Home / Lifestyle / 'Doble plaka' iprinotesta ng higit 50,000 motorcycle riders

'Doble plaka' iprinotesta ng higit 50,000 motorcycle riders

Libo-libong motorcycle rider ang lumahok sa motorcade sa kahabaan ng EDSA nitong Linggo para iprotesta ang Motorcycle Crime Prevention Law. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

Libo-libong motorcycle rider sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa ang nagtipon-tipon nitong Linggo para magsagawa ng "Unity Ride" na ipinoprotesta ang bagong batas na nag-uutos ng paglagay ng pinalaking mga plaka sa harap at likod ng motorsiklo.

Isa ang paglalagay ng pinalaking mga plaka sa mga probisyong nakapaloob sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 8.

Layon ng batas na masawata ang mga krimeng ginagawa ng mga nakamotorsiklong salarin sa pamamagitan ng paggamit ng mas malaking mga plaka na nababasa mula sa layong 15 metro at color-coded base sa rehiyon.

Nasa 50,000 ang lumahok sa "Unity Ride," ayon sa mga organizer.

Binaybay ng mga rider ang EDSA mula People Power Monument at umabot hanggang sa Senado sa Pasay.

Nauna nang sinabi ni Motorcycle Rights Organization chairman Jober Bolanos na delikado ang paglalagay ng mga malalaking plaka sa harap ng motorsiklo.

Maaaring matanggal ang mga plaka kapag mabilis ang takbo ng motorcycle rider at maaari itong tumama sa ibang motorista o pedestrian, ayon kay Bolanos.

Inireklamo rin ng mga rider ang mataas na multang aabot sa P50,000 hanggang P100,000 para sa pagtakip o paggamit ng nakaw na plaka.

Nakiisa rin ang 3,000 rider mula Central Luzon sa kanilang "Unity Ride" sa San Fernando, Pampanga.

Nagtipon-tipon nitong Linggo ang mga motorcycle rider sa Daraga, Albay para iprotesta ang Motorcycle Crime Prevention Law. Karren Canon, ABS-CBN News

Nagsagawa rin ng sariling "Unity Ride' din ang libo-libong rider mula Batangas, Laguna at Quezon province.

Daan-daang rider din ang nagprotesta sa Albay, Iloilo, Negros Occidental at Zamboanga.

–Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*