Home / Lifestyle / Magsasaka, patay nang masabugan ng granada sa Ilocos Norte

Magsasaka, patay nang masabugan ng granada sa Ilocos Norte

PAGUDPUD, Ilocos Norte – Patay ang isang 48 anyos na magsasaka matapos umanong masabugan ng kaniyang hinahawakang granada.

Natagpuang wala nang buhay si German Espiritu sa palayan na 200 metro mula sa kanilang bahay sa Barangay Saguigui nitong bayan Sabado ng umaga.

Kuwento ng misis nitong si Emily, lumabas ang kaniyang mister Biyernes ng gabi at may narinig na pagsabog.

Nagtaka si Emily dahil hindi nakauwi si German hanggang sa matagpuan ang bangkay ng biktima.

Narekober sa crime scene ang isang granada na posibleng dahilan ng pagkasawi ng biktima.

“Hawak-hawak niya, nadisgrasya, at pumutok ‘yung granada,” ani Police Lt. Joel Corrales, deputy chief ng Pagudpud Police Station.

Walang nakikitang foul play ang pulisya sa insidente. Hindi naman kumbinsido ang pamilya ni German na aksidente ito lalo na’t nawawala ang ilang gamit ng biktima at nakahubad din ito.

“Bakit wala na ‘yung damit, wala ‘yung gamit niya, ‘yung itak, at ‘yung jacket niya, wala,” ani Emily.

Dagdag pa ng misis, may nakaalitan ang kaniyang mister bago ang insidente pero hindi niya matiyak ang dahilan at kung sino ito.

“Parang may humahabol sa kaniya. Hindi ko na siya nakita,” aniya.

Ayon kay Corrales, ang granada ay posibleng pagmamay-ari ng biktima bilang dating miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit ( CAFGU).

Pero para kay Emily, matagal nang isinuko ng biktima ang kaniyang mga armas. Hiling niya ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente. – Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*