Home / Business / Manok ibinebenta nang mas mahal sa palengke: Trade chief

Manok ibinebenta nang mas mahal sa palengke: Trade chief

Hinimok ni Trade Secretary Ramon Lopez ang mga mamimili na isumbong ang mga tinderong nagbebenta ng manok nang mas mahal.

May ilang tinderong nagbebenta ng kada kilo ng karne ng manok sa presyong P190 kahit dapat ay P170 hanggang P180 kada kilo lang ito, ayon kay Lopez.

Puwede umanong idulog sa Department of Trade and Industry at Department of Agriculture (DA) ang mga kaso ng pananamantala sa presyo ng manok.

Ayon pa kay Lopez, P50 hanggang P70 lang dapat ang patong ng mga retailer sa farm-gate price ng manok na P110 kada kilo.

Tingin ni Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzales ay nananamantala ang ilang retailer dahil mas marami nang bumibili ng manok kaysa karneng baboy dahil sa takot sa African swine fever.

Sapat din ang suplay ng manok para sa holiday season, ani Gonzales.

Iminungkahi ng DA sa National Price Coordination Council (NPCC) ngayong Miyerkoles ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa manok at baboy, ayon kay Gonzales.

Pero ayon kay Lopez, hindi pa kailangang lagyan ng SRP ang manok.

Maglalabas na lang daw ang NPCC ng resolusyon sa mga pamahalaang lokal na makipag-ugnayan sa mga nangangasiwa ng mga merkado para matiyak na patas ang presyo ng manok at karneng baboy.

— Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*