Home / Sports / Mga kilalang personalidad sinamahan si Pacquiao sa weigh in vs Matthysse

Mga kilalang personalidad sinamahan si Pacquiao sa weigh in vs Matthysse

Reuters

KUALA LUMPUR – Milya-milya man ang layo ng nagniningning at makulay na Las Vegas dito, kasing-tingkad pa rin ang pakiramdam sa nakatakdang paghaharap sa lona ni Manny Pacquiao at nagdedepensang si Lucas Matthysse.

Katulad ng sitwasyon sa Las Vegas tuwing may laban ang Pambansang Kamao, animo'y piyesta ang venue ng laban kung saan nagkalat ang mga Pinoy gayundin ang mga kilalang pulitiko at personalidad na malapit kay Pacman.

Sa ginanap na weigh-in Sabado sa Malaysia International Trade & Exhibition Centre (MITEC), sinalubong ng malakas na hiyawan at palakpakan ang paglabas ni Senador Pacquiao bago ito tumapak sa timbangan.

Kaniya-kaniyang sigaw ang mga grupo ng mga Pinoy na karamihan ay overseas Filipino workers (OFW) sa Malaysia habang bitbit ang mga tarpaulin, poster, at bandila ng Pilipinas.

Kasama ni Pacman na tumungtong sa stage si Bureau of Corrections chief Ronald "Bato" dela Rosa, Solicitor General Jose Calida, dating gobernador ng Ilocos Sur at malapit na kaibigan ng boksingero na si Chavit Singson, at Buhay party-list Rep. Lito Atienza.

Inaasahan din na manonood si Pangulong Rodrigo Duterte sa laban sa Linggo sa Axiata Arena dito.

"Dati ang mga nanonood sa mga laban ko boxing fans lang, ngayon pati politicians na, leader ng mga state," pahayag ni Pacquiao. "Ganado ako. 'Yung takot, wala na sa akin ngayon."

Halos mapuno ang stage nang umakyat na si Pacquiao at Matthysse ng Argentina upang tingnan kung pasok ang kanilang timbang para sa labanan nila para sa WBA Welterweight belt. 

Tumimbang ang Pambansang Kamao ng 146 pounds habang 146.7 pounds naman ang bigat ni Matthysse nang tumapak sa scale, pasok sa 147 pounds na limitasyon sa kanilang weight class.

Dinomina ng mga Pilipino ang bilang ng manonood sa loob ng isang hall sa MITEC para suportahan si Pacquiao at 6 pang ibang Pilipinong boksingero na lalaban dala ang watawat ng bansa.

Labis ang naging hiyawan ng mga manonood nang ipalabas ang maikling promotional video tungkol kay Pacman. Nang lumabas na ito, pinili nang tumayo ng marami sa kanila upang kuhanan ng larawan si Pacquiao at iwagayway ang bandila ng Pilipinas.

May ilan ring nanggaling pa sa ibang panig ng mundo kagaya ng Argentina para suportahan ang kababayan nilang si Matthysse, ilang Malaysian fans ng 2 boksingerong lalaban sa undercard, at mayroon ding mga lumipad pa mula Amerika at Europa upang mapanood ang bakbakan.

Nagsimulang magdatingan ang mga kilalang tao mula Pilipinas noong Miyerkoles na lahat ay dumaan muna sa hotel na tinutuluyan ni Pacquiao.

Nauna nang dumating si Atienza sa Le Meridien Hotel habang sumunod naman sina Navotas Rep. Toby Tiangco, Singson at Dela Rosa Biyernes ng gabi.

Lahat sila iisa lang ang gustong makita: ang muling manalo at magbigay karangalan ang nag-iisang 8-division world champion ng mundo.

Matatandaang natalo si Pacquiao, 39, sa laban niya sa mas batang Australian boxer na si Jeff Horn noong July 2017. 

Pacman, La Machina bumawi agad ng kain 

Matapos ang weigh-in, agad pumunta sa kani-kaniyang kuwarto sina Pacquiao at Matthysse upang kumain ng almusal.

Si Matthysse, na pansin ang pagpayat ng pangangatawan, ay piniling kumain lamang ng mga prutas. Pero sa kampo ni Pacquiao, inihanda lahat ng paboritong pagkain ng People's Champ.

Sa isang bilog na mesa umupo si Pacquiao at kumain katabi sina Tiangco at Singson. Kasama rin sa mesa sina Calida, Atienza, Dela Rosa at ang ina ni Pacquiao na si Mommy Dionisia.

Kagaya ng inaasahan, nilagang baka ang inihanda para kay Pacquiao kasama ang pritong isda, adobong manok, nilagang itlog, at mga prutas tulad ng saging, melon at pakwan.

 Mayweather rematch hiling ni Bato

Matapos samahan si Pacquiao kumain, sinabi ni Dela Rosa na nakikita niya pang mayroong mga susunod na laban ang senador sa loob ng ring.

"Marami pang laban 'yan [si Manny]. Nakikita ko nandiyan pa 'yung desire niya sa boxing," ani Dela Rosa.

Tiwala rin aniya siya na si Pacquiao ang last man standing sa laban bagama't naiisip ang magandang kilos ni Matthysse. 

"I have enough faith in my kumpare. Kayang-kaya niya 'yan. Sigurado ako."

At sakali mang may susunod pang pagtapak sa ibabaw ng lona si Pacquiao, hiling ni Dela Rosa ay si Floyd Mayweather Jr. sana ang muli nitong harapin.

Matatandaang tinalo ni Mayweather si Pacquiao sa isang kotrobersyal na unanimous decision sa labang tinaguriang "Fight of the Century" noong 2015.

"Ulitin 'yun [laban]. Kung kondisyon ng shoulder ni Manny noon, may tama 'yun kay Pacman," kuwento ni Dela Rosa.

Gusto aniyang makitang ma-corner ni Pacquiao si Mayweather para di na ito makatakbo kagaya umano nang ginawa ng Amerikanong boksingero noong nagharap sila ng Pinoy boxer.

Bumuwelta rin siya sa knockout win ni Juan Manuel Marquez kay Pacman noong 2012 at sinabing "tsamba" lamang ang pagkakapanalo ng Mexican fighter.

"Kaya tingnan niyo, sabi niya ayaw na niya kasi nakatsamba lang. E baka matsambahan din siya," ayon sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP)

 Krusyal ang laban sa karera ni Pacman

Muling nagbabalik sa panonood ng live si Atienza ng laban ni Pacquiao na ayon sa kaniya ay makailang beses na rin niyang hindi nagawa.

Ayon kay Atienza, na matagal na ring kaibigan ni Pacman, gusto nitong samahan si Pacquiao sa pakikipagbuno kontra sa defending champion dahil malaki ang magiging apekto nito sa hinaharap ng boksingero.

"Kritikal ang laban na ito. This will decide his future in boxing," sabi ni Atienza sa ABS-CBN News. "Whatever happens on Sunday will make a big factor in his decision. I hope he wins."

Pahayag ni Atienza, bahagyang lumamlam ang kampanya ni Pacman sa boksing noong huling mga taon ngunit iba raw ang nararamdaman niya sa laban ngayong Linggo.

"Boring na rin siguro 'yung nangyayari sa buhay niya sa boksing noon. Pero ngayon, bumalik ulit 'yung sigla. On that basis, he has a very good chance of winning," dagdag pa ni Atienza.

Mga OFW, umabsent sa trabaho

Lalong nagpasigla sa ginanap na weigh in ang sigawan at suporta ng mga Pilipinong nakabase sa Malaysia at mga dumayo pa mula sa iba’t ibang lugar sa Asya.

Aminado silang lumiban pa sila sa kani-kanilang mga trabaho sa Malaysia, masilayan lamang ang Pambansang Kamao kahit isang beses.

“Umabsent kami sa trabaho ngayon. Nagpaalam kami sa mga amo namin, buti na lang pinayagan,” kuwento ng OFW na si Lovely Casisiempre.

Inaasahang daragsa ang maraming Pinoy sa arena sa Linggo para sa laban ni Pacman lalo pa’t mismong ang embahada ng bansa sa Malaysia ang tumulong magbenta ng discounted tickets para sa mga Pilipino.

Para sa iba pang mga balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website. 

Let’s block ads! (Why?)

Sports

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*