Home / Lifestyle / Mga militanteng grupo kinalampag ang AFP kaugnay sa masaker sa Sagay

Mga militanteng grupo kinalampag ang AFP kaugnay sa masaker sa Sagay

MAYNILA – Nagsama-sama ang iba’t ibang militanteng grupo para kalampagin ang Armed Forces of the Philippines kaugnay sa pagpatay sa 9 na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental.

Iginiit ng mga grupo, kabilang ang Anakpawis, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bayan Muna at iba pa, na kagagawan ng pulis at militar ang pagkakapatay sa mga magsasaka sa loob ng isang hacienda.

Iniuugnay umano ng Philippine National Police at ng militar sa mga komunista at sa New People's Army ang mga napatay na magsasaka na miyembro ng National Federation of Sugar Workers.

Ayon pa sa mga militante, epekto ng militarisasyon sa mga lalawigan ang pagpatay na sa tinaguriang "Sagay 9" at ito anila ay malinaw na panggigipit sa mga aktibista.

Nangangamba silang i-whitewash ng pulis at militar ang imbestigasyon.

Sabado ng gabi nang pagbabarilin ang siyam na magsasaka at obrero sa Hacienda Nene sa Barangay Bulanon, Sagay City.

Ayon sa pulisya, inokupahan ng mga magsasaka ang isang bahagi ng ng hacienda noong umaga. Kinagabihan, pinagbabaril sila habang sila ay naghahapunan sa kanilang mga tent.

Bago nito, nakatanggap muna umano ng "notice of coverage" mula sa Department of Agrarian Reform ang mga biktima. Ang "notice" na ito ay ukol sa pamamahagi ng ilang bahagi ng Hacienda Nene sa mga magsasaka.

Pero paglilinaw ni Chief Insp. Roberto Mansueto, hepe ng Sagay police, hindi sinasabi ng dokumento na sila na ang nagmamay-ari ng lupa. Ani Mansueto, lilinawin pa nila ang bagay na ito sa Department of Agrarian Reform.

–ulat mula kay Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*