Home / Business / Pag-import pinayagan dahil sa mataas na presyo ng asukal

Pag-import pinayagan dahil sa mataas na presyo ng asukal

May mga dumadaing na sa mataas na presyo ng asukal. Isinisisi ito sa umano ay kakulangan daw ng supply sa mga palengke, dahilan para pumayag na ang gobyerno na mag-angkat ng mas murang asukal.

Pinayagan nitong Miyerkoles ng gobyerno ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng 200,000 metriko toneladang asukal para punan ang kakulangan sa supply sa bansa na nagdudulot umano ng taas-presyo. 

Paliwanag ni SRA administrator Hermenegildo Serafica, bumaba ng 14.24 porsiyento ang produksiyon ng raw sugar kumpara noong nakaraang taon habang tumaas naman ang konsumo.

Ito aniya'y dahil sa epekto ng masamang panahon, dagdag pa sa desisyon ng maraming magsasaka sa Bukidnon na magtanim na lang ng saging at pinya imbes na sugar cane. 

Nasa P10 hanggang P15 ang itinaas ng kada kilo ng asukal sa ilang palengke.

Pumalo sa P65 hanggang P68 ang kada kilo ng refined o puting asukal mula sa dating P57.

Naglalaro naman ngayon sa P51 hanggang P54 ang kada kilo ng brown sugar mula sa dating P47.

TAAS-PRESYO NG ILANG BILIHIN, PINANGANGAMBAHAN

Kapag nagpatuloy umano ang pagtaas ng presyo ng asukal, dagdag pa ang pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), mapipilitan ding magtaas ng presyo ang mga manufacturer ng mga produktong gumagamit ng mga ito, gaya ng tinapay at biskuwit.

"We can easily absorb some costs hangga't kaya namin. Pero eventually 'pag nagtuloy-tuloy 'yan, ma-force kami ipasa sa market," ani Kissinger Sy, pangulo ng Philippine Confectionery, Biscuit and Snack Association.

May ilang bakery owner ding pinag-aaralan na ang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.

"Tina-try ng bakers na huwag palitan ang presyo. Wait and see karamihan," ani Wilson Lee Flores, may-ari ng Kamuning Bakery.

Pero ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, hindi dahilan ang pagmahal ng asukal para magkaroon ng taas-presyo sa tinapay. — Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

Business

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*