Home / Lifestyle / SOCO: Babae ninakawan, ginahasa, sinaksak sa loob ng bahay

SOCO: Babae ninakawan, ginahasa, sinaksak sa loob ng bahay

Isang malalim na saksak sa gilid ng dibdib ang tinamo ng 28-anyos na si alyas “Cherry Mae” sa loob ng kaniyang tinutuluyan sa Cagayan de Oro City noong Marso 10, 2017.

Naitakbo pa ang biktima sa ospital pero tuluyan na itong binawian ng buhay.

"Naabutan pa at that time. Buhay pa siya kaya ang ginawa ng rescue team, dinala agad siya sa nearest hospital para sana ipagamot,” ayon kay Senior Insp. Maricris Mulat, Station Commander ng CDO police.

“According sa medico legal [report] na nilabas, sa left breast ‘yun ang fatal wound na ikinamatay niya,” dagdag ng pulis.

Narekober ng mga awtoridad ang murder weapon sa bakuran ng bahay. Nakita rin ng mga pulis ang posibleng point of entry ng mga suspek sa kisame ng kusina.

Narekober ng mga awtoridad ang murder weapon sa bakuran ng bahay. SOCO

“Hindi siya typical na kitchen knife eh. Para siyang maliit na bolo,” sabi ni Mulat.

Sa kuwarto ng biktima, nakita ang salawal nito at mga bakas ng dugo sa kama. Napag-alaman ring may ilang gamit na nawawala.

“Nawala 'yung cellphone, nawala 'yung laptop ng biktima. Pati 'yung pera niya, kasi may perang nawala din.”

Nagsilbing lead ng mga pulis ang murder weapon nang makilala ni alyas “Bunso" ang may-ari ng gulok at kung sino ang mga kasamahan nito.

“Sa kadami-daming tinanong, may isang naka-identify doon na sinabi niya 'yung may-ari ng bladed weapon kasi nakita niya 'yun prior,” banggit ni Mulat.

Kinilala ang mga suspek na sina Warren Amarga o alyas "Amang," Joel Jonson o alyas "Gerald," Angel Mae Rada, at dalawang kasamahang menor de edad.

Ayon sa pulis, dati na raw nasangkot sa iba’t ibang krimen ang grupo.

“Halimbawa, mga battery na madaling makuha, [kukunin] nila o anything na puwede nilang pagkakitaan, kukunin nila ‘yun basta may opportunity,” ani Mulat.

Sa affidavit of confession na isinumite ni Amarga, bagama't lahat ay sangkot sa pagnanakaw, tanging siya lang daw ang gumawa ng panggagahasa. 

Gayunpaman, damay pa rin ang iba sa kaso ng panggagahasa dahil nagkaroon umano ng conspiracy.

Sinampahan ng kasong rape with homicide and robbery ang limang suspek. 

HUSTISYA

Hustisya naman ang hiling ng mga kaanak ng biktima.

“Hanggang sa dulo, kahit walang-wala kami, lalaban kami… Puro galit 'yung nararamdaman ko sa kanila. 'Yung ginawa nila, walang kapatawaran,” banggit ni alyas “Emily,” kapatid ni Cherry Mae.

Mahigit 12 taong nanilbihan bilang kasambahay si Cherry Mae sa isang pamilya sa lungsod. Nang nangibang-bansa ang kaniyang mga amo, naging caretaker ang dalaga ng kanilang bahay.

Dahil sa kasipagan ay pinag-aral din siya ng kaniyang mga amo na nasa abroad. 

Ilang buwan na lang sana bago makapagtapos ng kolehiyo si Cherry Mae at makamit ang pangarap na maging guro.

"Mahal na mahal namin siya, tsaka proud pa rin kami. Huwag ka mag-alala. Kahit wala ka na, magpapatuloy pa rin kami sa buhay namin,” ayon kay Emily.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

Nation

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*